NAGA CITY- Nagpapatuloy pa rin ang pag-assist ng Camarines Sur Police Provincial Office sa mga residente na kusang nagsilikas kaugnay sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Pepito sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT. Liza Jane Alteza, Public Information Officer ng Camarines Sur Police Provincial Office,sinabi nito na kahapon pa lamang marami ng mga residente ang kusang nagsilikas mula sa iba’t ibang areas sa Camarines Sur magin sa bahagi ng Naga City sa takot na muling maranasan ang nangyari sa nakalipas na pananalasa ng Bagyong Kristine.
Kaugnay nito, marami ng evacaution center ang puno ng mga tao at hanggang sa kasalukuyan patuloy pa rin ang pagdating ng mga nagsisilikas pa.
Tiniyak naman ng bawat lokal na pamahalaan sa Camarines Sur na hindi mapapabayaan ang pamilyang nagsilikas at nakahanda ang kanilang mga ayuda para sa mga pangangailangan ng mga ito.
Kahapon pa lamang, hindi pa bumubuhos ang ulan sa Camarines Sur nagpatupad na ng force evacuation ang provincial government at ilang LGUs lalo na sa mga nasa coastal areas na inaasahan ang pagbaha at pagguho ng lupa upang maiwasan ang anuman na casualties.
Sinimulan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at PNP ang pag sundo sa mga pamilya mula patungo sa evacuation center.
Nakahanda at bukas ang nasa 1,761 na evacuation center sa buong lalawigan ng Camarines Sur para sa mga nagsilikas.
Samantala, nagpapatuloy din sa pag-account ang mga tauhan ng nasabing hepatura sa mga sasakyan na maaring magamit sa rescue operations gaya na lamang ng truck, army truck, boom truck, buses at iba pa.
Ayon pa kay PCPT. Alteza, naka position na ang mga kapulisan sa kanilang kanya-kanyang deployment areas at handang sumaklolo kung kinakailangan.
Sa kasalukuyan, ramdam na sa coastal areas sa lalawigan ng Camarines Sur ang epekto ng Bagyong Pepito, mataas at naglalakihang alon ang humahampas na umaabot na sa kakalsadahan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang paghikayat ng opisyal sa lahat lalo na sa mga nasa low lying areas na lumikas na hanggat maaga pa upang maiwasan ang anuman na sakuna.