NAGA CITY – Nilinaw ng pamunuan ng Camarines Sur Police Provincial Office ang tungkol sa kontrobersyal na pagkakaaresto at pagkakakulong sa isang mediaman sa Iriga City, Camarines Sur.
Mababatid na Agosto 2 nang arestuhin ng mga kapulisan si Jose Rizal Pajares ng dahil umano sa unauthorized na pag-access sa blotter book.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCol. Julius Ceasar Domingo, Provincial Director ng CSPPO, sinabi nito na nag-request ng impormasyon ang reporter ngunit inabisuhan ito ng naka-duty na imbestigador na sundin ang protocol na magpaalam muna sa hepe.
Ngunit wala pa umanong permiso kinuha na ng reporter ang police blotter, habang kinokontak naman ng naka duty na police officer ang kanilang chief.
Makikita rin umano sa CCTV footage ang ginawa ng media personality na pagtingin sa blotter book na isang paglabag sa Memorandum Circular No. 2020-037 o sa Police Blotter and CIRAS Information Access kaugnay ng Data Privacy Act of 2012.
Binigyang-diin pa ni Domingo na kahit ang kanilang mga kabaro umano ay hindi basta-basta pinaoayagan na tumingin at maka-access sa naturang blotter book.
Dagdag pa ng opisyal na kahit public document ang police blotter, mayroon pa rin umanong mga confidential information dito na hindi maaaring ipalabas sa publiko.
Sa kabilang dako, nanindigan naman si Pajares na wala itong nakuhang impormasyon sa blotter book, at wala ring naipalabas na impormasyon sa publiko.
Humingi naman umano ito ng dispensa sa hepe ng himpilan ngunit pinabasahan pa rin ito ng Miranda doctrine, isinailalim sa medical na naka posas, ikinulong at inabot ng tatlong araw bago nakapag piyansa.
Ayon pa kay Domingo, hindi na nila hawak ang kaso kung kaya wala na silang magagawa pa tungkol dito.
Samantala, kinwestiyon din ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas – Camarines Sur Chapter ang naging paraan ng Iriga City Police Station sa pagkulong sa naturang mediaman dahil hindi man lang umano ito binigyan ng warning.
Sa ngayon, nakahanda naman ang KBP na magpalabas ng counter statement at aksyon bilang proteksyon na rin sa iba pang mga mamamahayag.
Nagpatawag din sana ng Press conference ang PNP Camarines Sur ngayon araw ngunit nagdesisyon ang KBP na huwag sumipot dito.