NAGA CITY – Mahigpit na ipinapatupad ng Department of Agriculture (DA)-Bicol ang kautusan kaugnay ng pagkontrol ng mga poultry commodities sa mga apektadong lugar ng Bird Flu.
Kung maaalala, nakapagtala ng Avian Influenza H5N1 sa ilang bayan ng Camarines Sur noong mga nakaraang buwan.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Emy Bordado, tagapagsalita ng naturang ahensiya, kinumpirma nito na sa kasalukuyan ay wala nang bird flu sa lalawigan.
Aniya, agad na nagsagawa ng mga depopulation ang ahensiya matapos makumpirma na naitala ang kaso ng sakit sa bayan ng Bula at Sipocot.
Samantala, binigyang-diin naman ng opisyal na hindi sila tumitigil na magsagawa ng blood sampling sa mga itik, pugo, manok at pabo gayundin sa iba pang mga poultry commodities lalo na sa mga nasasakop ng one-kilometer quarantine area.
Kaugnay nito, suspendido rin ang paggalaw o pagtransport ng anumang uri ng poultry products sa loob ng 30 araw sa Region 4B, ilang bahagi ng Visayas at Mindanao na walang kaso ng flu.
Sa kabila nito, mahigpit din na ipinababawal ang paghuli at pagkatay ng mga migratory birds sa bird sanctuary sa bahagi ng Cabusao sa lalawigan pa rin ng Camarines Sur dahil sa banta na posibleng dala nito.
Mababatid na ang mga migratory birds ang nagdala ng naturang influenza na naging dahilan ng pagkamatay ng daan-daang mga poultry commodiies sa bansa.