Inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang P100-milyong fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon kay DA Spokesperson at Assistant Secretary na si Arnel De Mesa, kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang posibleng epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan sa lokal na presyo ng langis at sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Nagpahayag ng pangamba ang opisyal sa maaaring pangmatagalang epekto ng nasabing tensyon, lalo na kung magtutuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo na direktang nakaaapekto sa gastos sa produksyon at operasyon ng mga magsasaka at mangingisda.

Sinabi rin ng DA na na-download na ang pondo sa ahensya at nakahanda na itong ipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa oras na tuluyang maramdaman ang pagtaas ng presyo ng langis sa merkado.

Advertisement

Layunin ng fuel subsidy na mabawasan ang dagdag-pasanin sa sektor ng agrikultura at matiyak ang tuloy-tuloy na produksyon ng pagkain sa bansa sa kabila ng banta ng pagtaas ng gastusin.

Advertisement