Patuloy ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na makipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa upang matiyak ang sapat na suplay ng abono o fertilizers sa Pilipinas, sa gitna ng krisis sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Francisco Tiu Laurel Jr., pumalo na sa doble ang presyo ng abono—mula $400 ay umakyat ito sa $800 kada tonelada.

Dahil dito, nakikipag-usap na ang pamahalaan sa mga bansang tulad ng India, Russia, at Belarus upang makakuha ng alternatibong suplay para sa mga Pilipinong magsasaka.

Sa kabila nito, kinumpirma ni Tiu Laurel na walang plano ang China na ihinto ang pagluluwas ng abono patungo sa Pilipinas. Ito ay matapos ang kanyang pakikipagpulong kay Jing Quan upang talakayin ang kooperasyon sa agrikultura.

Advertisement

Pinabulaanan din ng kalihim ang mga ulat na magpapatupad ang China ng export freeze upang unahin ang kanilang sariling pangangailangan.

Samantala, muling tiniyak ni Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na nananatiling sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin at fertilizers sa bansa, sa kabila ng umiiral na tensyon sa pandaigdigang merkado.

Advertisement