Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng price cap sa imported rice, kasunod ng rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC) na itakda ang presyo sa ₱50 kada kilo, na ipapasya na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago matapos ang buwan. Layunin ng hakbang na ito na mapigilan ang posibleng profiteering sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa U.S.-Iran conflict sa Middle East.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makatutulong ang price cap sa imported rice para mapanatili ang abot-kayang presyo sa merkado. Sa kasalukuyan, ang premium imported rice sa Metro Manila ay naglalaro sa ₱55 hanggang ₱63 kada kilo, habang ang well-milled ay ₱45 hanggang ₱49 at ang regular-milled ay ₱42 hanggang ₱45 kada kilo.
Gayunpaman, hindi kinakailangan ng price cap sa lokal na bigas dahil kasagsagan ng anihan. Ang presyo ng lokal na premium rice ay nasa ₱51 hanggang ₱60 kada kilo, well-milled ₱45, at regular-milled ₱40 kada kilo. Tiniyak din ng DA ang tuloy-tuloy na suplay ng mas murang bigas sa ilalim ng programa nito, kabilang ang ₱48 at ₱45 kada kilo, pati na rin ang Benteng Bigas Meron na nag-aalok ng ₱20 kada kilo.
Dagdag pa ni Tiu Laurel, posibleng magpatupad ng price cap sa iba pang produktong agrikultura kung may makikitang profiteering, at tiniyak ang sapat na suplay ng manok, baboy, at isda ngayong tag-init.














