Naghain si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng graft at malversation complaints laban sa anim na opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Davao Occidental at walong contractors kaugnay ng umano’y P94-milyong ghost farm-to-market road projects.
Isinumite ang mga reklamo sa Office of the Ombudsman ngayong Huwebes, sa kauna-unahang pagkakataon na naghain ang Department of Agriculture ng kaso kaugnay ng umano’y maanomalyang farm-to-market road projects.
Ayon kay Tiu Laurel, personal niyang binisita noong nakaraang taon ang mga lugar kung saan dapat itinayo ang mga proyekto ngunit wala umano siyang nakitang senyales ng konstruksyon kahit pondohan pa ito noong 2021.
“Wala talaga. Zero. Wala kang makita,” ani Tiu Laurel sa mga mamamahayag matapos ihain ang reklamo.
Dagdag pa niya, mayroon lamang umanong dirt road na dinadaanan ng mga residente at traysikel ngunit walang konkretong kalsada, bakal, o anumang imprastrakturang indikasyon ng proyekto.
“Merong daanan, dirt road, dinadaanan ng tao, tricycle. Pero talagang walang semento. Walang bakal. Wala lahat,” dagdag ng kalihim.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang umano’y anomalya sa mga farm-to-market road projects sa nasabing lalawigan.













