Target ng Department of Agriculture (DA) na simulan sa Abril 6 ang pamamahagi ng ₱10 bilyong tulong pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nakadepende ang rollout ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk (PAFF) sa paglabas ng Special Allotment Release Order (SARO) mula sa Department of Budget and Management (DBM), na inaasahang mailalabas sa Abril 2.
“Hopefully by the week of April 6. We are just waiting for the SARO, which the DBM has committed to release by April 2,” ani Tiu Laurel.
Tinatayang 4.175 milyong rehistradong magsasaka at mangingisda sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang makatatanggap ng tig-₱2,325.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang humigit-kumulang 2.197 milyong rice farmers, 1.475 milyong corn farmers, higit 102,000 sugar farmers, at nasa 399,000 mangingisda sa buong bansa.
Samantala, nagpapatuloy rin ang fuel subsidy program ng DA na may pondong ₱150 milyon. Sa ilalim nito, makatatanggap ng ₱5,000 ang bawat kwalipikadong magsasaka at ₱3,000 naman ang bawat mangingisda.
Tinitingnan din ng ahensya ang paggamit ng halos ₱100 milyong hindi nagamit na pondo mula sa fuel subsidy program noong 2023 hanggang 2025 upang madagdagan pa ang tulong sa sektor ng agrikultura.














