NAGA CITY- Nananatiling stranded ang daan-daang sasakyan sa kahabaan ng Diversion Road, Naga City patungo sa Metro Manila, hanggang ngayong araw Oktubre 27, 2024.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng mga awtoridad na prayoridad na makadaan ang mga sasakyang may kargang basic needs at mga relief operations upang agarang maipaabot sa mga biktima ng bagyo at mga nananatiling lubog sa baha.
Dahil dito, ilang pasahero, sasakyan na rin ang stranded ng apat hanggang limang araw dahil sa pag salanta ng bagyong Kristine sa rehiyong Bicol.
Samantala, passable na o maaari nang daanan ang kalsada mula sa Legazpi City patungong Naga City, Naga City-Iriga City(vice versa) at ang Naga-Partido (vice versa)
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLtCol Chester Pomar NCPO Spokesperson, sinabi nito na kahapon, nagpalabas ng abiso na passable na sa nasabing kalsada ngunit aasahan pa rin ang pagkaantala ng biyahe o sobrang bagal na trapiko dahil hanggang ngayon ay hindi pa gaanong humuhupa ang tubig baha sa karatig na bayang ng lungsod ng Naga kung kaya’t patuloy ito na nagdudulot ng pahirapan sa biyahe.
Nakaranas din ng mabigat na trapiko sa Maharlika Highway mula Naga hanggang Pili, Camarines Sur.
Sa ngayon, mahigpit na inaayos at binabantayan ng mga otoridad ang daloy ng trapiko upang maiwasan ang anumang pagkakabuhol-buhol at aksidenteng maaaring maitala.
Nagpaalala din ang mga ito na mag doble ingat pa rin dahil may ilang bahagi ng kalsada ang mataas pa rin ang baha na maaaring maging dahilan sa pag tirik ng mga sasakyan.
Maging ang Naga City Incident Management team ay nagpa-abiso sa publiko na kapag wala namang mahalagang biyahe, huwag ng pumunta sa sentro ng Naga gamit ang kanilang mga sasakyan dahil sa kasalukuyan, mabigat ang trapiko at ang clearing at relief operations ay naaabala.