NAGA CITY – Bagamat maituturing na isang malaking dagok ang nangyaring pagkalunod at pagkamatay ng anim na kabataan sa karagatang sakop ng Brgy. Dolo, San Jose, Camarines Sur, kaakibat naman nito ang aral na dala ng nasabing trahedya.

Mababatid, anim na mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 18 ang binawian ng buhay noong Abril 8, 2023 nang maligo sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Councilor Bobby Hufancia Clutario, Municipal Councilor/Tourism Officer Designate sa nasabing bayan, sinabi nito na nagsilbing hamon ang insidente sa bahagi ng Sangguniang Bayan para repasuhin ang mga lokal na polisiya para matiyak ang seguridad ng bawat bisita at turista sa kanilang lugar.

Kaugnay nito, nakatakda nang magkaroon ng consultation meeting sa susunod na linggo kasama ang Philippine Coast Guard sa kanilang lugar, San Jose Municipal Police Station, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) gayundin ang lahat ng mga kapitan sa coastal barangays.

Advertisement

Titingnan din umano nila kung paano mapipigilan ang mga pumupunta sa kanilang lugar na maligo sa pinangyarihan ng insidente lalo na’t hindi naman talaga suitable ang lugar para sa swimming activities.

Dagdag pa ng opisyal, nakipag-ugnayan na din umano sila kay San Jose Mayor Jerold Peña kung saan maglalagay sila ng signage sa lugar na nagsasabi na hindi na maaaring maligo sa lugar.

Aniya, isa pa umano sa tinitingnan nila ang pagbuo ng ordinansa o ng Local Legislative Action o kaya naman Executive Order mula sa Mayor’s Office na magbabawal sa pagligo sa lugar kung saan nalunod ang anim na mga kabataan.

Sa kabilang banda, humingi naman ng tawad si Gilbert Cea, ang ama ng isa sa mga nalunod, sa mga kamag-anak ng iba pang biktima.

Nang mangyari kasi ang insidente, ito lamang ang kasama ng mga kabataan sa lugar.

Sa ngayon, nagpaabot na lamang ng pakikiramay ang Lokal na pamahalaan ng San Jose sa mga kamag-anak ng mga biktima na nalunod sa mismong araw ng Sabado de Gloria.

Advertisement