NAGA CITY-Dalawang kalalakihan ang nalunod sa General Nakar, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina alyas Ronald, 32 taong gulang, at alyas Mark, 34 taong gulang, parehong residente ng Brgy. Culiat, Quezon City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office, nakatanggap aniya ang General Nakar Municipal Police Station ng tawag na may natagpuang mga katawan na nalunod bandang ala-1:20 ng hapon sa Brgy. Maigang ng nabanggit na bayan.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang mga biktima ay nalunod bandang ala-1 ng hapon.

Naliligo umano ang mga ito sa Agos River nang sila ay tangayin ng malakas at malalim na tubig. Sinubukan pa umanong sagipin ng mga ito ang isa’t isa ngunit parehong nalunod ang dalawa.

Nadala pa sana ang mga ito sa isang ospital ngunit idineklara rin lang silang dead on arrival.

Sa ngayon, nananatili ang katawan ng mga biktima sa isang ospital sa Infanta, Quezon.