NAGA CITY- Patay ang dalawang lalaki matapos na malunod sa karagatan na sakop ng Barangay Talaan Aplaya, Sariaya, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sila Francis John Amaro, 23-anyos at isang menor de edad na lalaki, parehong residente ng Barangay Poblacion General Mariano Alvarez, Cavite.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na sumama lamang sa outing sa karagatan ng Barangay Talaan Aplaya ang mga biktima para sa selebrasyon ng kaarawan ng isa nilang kapamilya nang mangyari ang insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na ayon umano sa salaysay ng mga kaibigan ng dalawang biktima, nadala ng isang malakas na alon ang mga ito, na naging dahilan upang mapunta ang mga biktima sa malalim na bahagi ng nasabing dagat.

Samantala, nagtulungan naman umano ang ibang mga tao na makuha ang mga biktima, kung saan kaagad naman isinugod ang mga ito ospital para sa asistensiya medikal pero sa kasamaang palad, tuluyan rin na binawian ng buhay.