Tinatayang dalawang milyong deboto ang nagtipon-tipon upang dumalo sa isang malaking misa na pinangunahan ni Pope Leo XIV sa Buenos Aires, Argentina, nitong Lunes, bilang bahagi ng kaniyang 12-araw na pagbisita sa Latin America.
Nagmula pa sa iba’t ibang panig ng Argentina ang mga deboto. Ang ilan sa kanila ay bumiyahe nang mahigit isang libong kilometro at naglakad nang matagal upang personal na masilayan ang Santo Papa.
Bago idaos ang misa, bumisita si Pope Leo XIV sa Pequeno Cottolengo, isang pasilidad sa Claypole, Buenos Aires, na kumakalinga sa mga taong may kapansanan at mga inabandona.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ng Santo Papa na ang mga taong may kapansanan ay hindi pabigat sa lipunan kundi isang biyaya. Aniya, nasusukat ang pag-unlad ng isang bansa sa paraan ng pangangalaga at pagtanggap nito sa mga taong may espesyal na pangangailangan.
Idinagdag din niya ang kahalagahan ng paggalang sa dignidad ng bawat tao at pagtanggap sa mga sektor ng lipunang madalas na napapabayaan.
Ang pagbisita sa Argentina ay bahagi ng paglalakbay ni Pope Leo XIV sa Latin America, na kinabibilangan din ng Uruguay at Peru.











