Dalawang pampasaherong tren ang nagbanggaan sa kanlurang Poland nitong Huwebes, na ikinasugat ng ilang pasahero at nagdulot ng malawakang emergency response, ayon sa mga opisyal.

Naganap ang insidente malapit sa nayon ng Białośliwie sa Piła County, Greater Poland, bandang 18:04 lokal na oras, batay sa ulat ng state news agency ng Poland na PAP at mga lokal na emergency services.

Ang mga sangkot na tren ay isang regional Polregio service na bumibiyahe sa rutang Piła patungong Bydgoszcz, at isang PKP Intercity train na nasa rutang Białogard patungong Warsaw East.

Ayon sa mga emergency official, humigit-kumulang 200 pasahero ang sakay ng dalawang tren nang mangyari ang insidente.

Advertisement

Sinabi ni Martin Halasz, tagapagsalita ng Greater Poland fire service, na “ilang tao” ang nasugatan habang isinasagawa ang triage o pag-alam kung sino ang nangangailangan ng agarang medikal na tulong at anong antas ng paggamot ang kailangan.

Labing-anim na yunit ng bumbero, kasama ang mga pulis at medical teams, ang agad na rumesponde sa lugar.

Ayon sa mga larawan at video mula sa pinangyarihan, makikitang nakatayo ang mga pasahero sa gilid ng riles habang ang ilang bagon ay nadiskaril o nakatagilid sa riles.

Nagdulot din ng aberya sa operasyon ng tren ang insidente, kung saan pansamantalang itinigil ang biyahe sa Piła–Bydgoszcz line.

Sinabi ni Bartosz Pietrzykowski ng railway infrastructure operator PKP PLK na maibabalik lamang ang operasyon matapos matukoy kung may pinsala sa riles o iba pang imprastraktura.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng railway accident commission habang nasa lugar ang mga technical specialist at rescue crews.

Sa paunang pahayag ng PKP Intercity, hindi raw head-on collision ang nangyari. Posibleng nagkaroon ng banggaan habang may track-switching maneuver, kung saan ang regional train ay tumama umano sa likurang bahagi ng Intercity train.

Hindi pa pinal ang mga detalye tungkol sa tunay na sanhi ng insidente.

Advertisement