NAGA CITY – Selos at pagkakasangkot ng iligal na droga ang tinitingnang anggulo ng mga kapulisan sa insidente ng pamamaril sa dating driver ng alkalde ng Milaor, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Dexter Ocampo Mendez, 47-anyos, residente ng Sto. Domingo, Milaor, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Executive Master Sergeant Arlene Regachuelo, Municipal Executive Senior Police Officer at PIO ng Milaor Municipal Police Station, sinabi nito na magkaibigan ang biktima at ang suspek na kinilalang si Noli Bona, 45-anyos, residente ng Legazpi City, Albay ngunit matagal na umano itong nagtatrabaho sa nasabing bayan.
Ayon naman sa mga nakasaksi, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at biktima na nagresulta sa pagbunot ng baril ni Bona at pagbaril kay Mendez ng dalawang beses.
Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima sa kaniyang upper body na agad rin naman sanang dinala sa pagamutan ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng doktor.
Ayon pa kay Regachuelo, isa sa mga tinitingnan nilang motibo sa krimen ay ang selos at ang pagkakasangkot ng iligal na droga, ito’y matapos na mapag-alaman na nagseselos umano ang suspek sa biktima.
Samantala, agad namang tumakas si Bona matapos isagawa ang nasabing krimen ngunit agad rin itong nadakip ng mga awtoridad ilang oras matapos ang nasabing insidente at kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kapulisan para sa pagsasampa ng kaso.
Sa ngayon mahaharap naman sa kasong illegal of possesion of firearms at murder ang nasabing suspek habang nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang totoong dahilan at motibo sa krimen.