NAGA CITY – Nagtamo ng humigit-kumulang 10 saksak ang dating Overseas Filipino Worker (OFW) na babae matapos pagsasaksakin ng sariling asawa sa Bombon, Camarines Sur na ikinamatay ng biktima.
Mababatid na una nang kinilala ang biktima na si Manilyn Boaquiña, 32 taong gulang, residente ng Brgy. Siembre sa natsabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pat. Jose Villegas Jr., assistant Police Community Affairs and Development (PCAD) ng Bombon Municipal Police Station, sinabi nito na habang kumakain ang biktima kasama ang suspek na si Salvador Boaquiña, 41 taong gulang, residente rin ng nasabing lugar, nang magkaroon ng mainit na argumento ang dalawa dahil sa pera at sa gastusin sa pang-araw-araw.
Aniya, pagkatapos kumain, pumasok sa silid ang biktima ngunit sinundan ito ng suspek at dito na walang habas na pinagsasaksak ang asawa gamit ang kaniyang bolo.
Ayon pa sa opisyal, dahil sa galit na naramdaman ni Salvador, bigla umanong nandilim ang paningin nito kung kaya nagawa ang karumal-dumal na krimen.
Nabatid din na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang suspek nang mangyari ang pamamaslang kay Manilyn.
Dagdag pa ni Villegas, sinubukan pa umanong dalhin sa ospital ang biktima ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.
Samantala, agad namang sumuko sa mga otoridad ang suspek at mahaharap sa karampatang disposisyon.