NAGA CITY – Labis ang kasiyahan na naramdaman ng alkalde ng Jose Panganiban sa lalawigan ng Camarines Norte matapos na pumasa at pumasok pa sa Top 10 ang kanyang anak sa isinagawang Bar Examination 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Ariel Non ng Jose Panganiban sa nasabing lalawigan, sinabi nito na sa pagkakapasa at pagkakapasok ng kanyang anak sa Top 10 na si Attorney Zes Trina Bañares Non sa nabanggit na eksaminasyon, ay nagbigay sa kanilang buong pamilya ng labis na kasiyahan at punong-puno ng paghanga at pagiging proud sa kanyang anak.
Ayon pa sa alkalde, bilang isang ama masarap sa pakiramdam na makitang unti-unting natutupad ng kanyang anak ang mga pangarap nito sa buhay at nagbunga ang pagtitiyaga, sakripisyo, pagbibigay ng sapat na oras, puyat, pagod at labis na dedikasyon nito upang maging matagumpay sa buhay.
Dagdag pa ni Mayor Non, ang kanyang anak na si Attorney Zes Trina Bañares Non ay nag-aral ng law sa University of Sto Tomas sa Legazpi. Ayon naman sa pagsasalarawan ng alkalde, isang mabait na anak at masipag mag-aral si Attorney Zes. Noon pa man umano pangarap na nito na maging abogado kung kaya naman ginawa nito ang lahat upang maabot ang kanyang pangarap, at sila bilang mga magulang, ibinigay ang 100% na suporta sa propesyon na gusto nitong tahakin.
Aniya, hindi umano madali ang makapasa sa Bar Examination kung kaya maliban sa pagsisilbi sa bayan ng Jose Panganiban ang pagkakapasa ng kanyang anak ang isa sa mga bagay na hindi matutumbasan ng pera o anuman na materyal na bagay.
Ibinahagi din ng akalde na maliban sa puspusang pag review, ang panalangin at paniniwala sa Diyos ang naging malaking sandata naman ni Attorney Zes sa kanyang journey patungo sa tagumpay na ito, ito’y dahil naniniwala umano ang kanilang pamilya na hindi sapat ang talino at pag-aaral kung wala ang lubos na pagtitiwala sa Panginoon.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Mayor Ariel Non na lagi silang nakasuporta sa anuman na bagay na gagawin ng kanyang anak at hiling na lamang nito na gamitin ng kanyang anak sa pagtulong sa kapwa ang kanyang piniling propesyon.