NAGA CITY – Hindi pipilitin ng Kamara sina dating Pangulo Rodrigo Duterte at dating PNP Chief at ngayon ay Senator Ronald dela Rosa na dumalo sa imbestigasyon hinggil umano’y nangyaring extrajudicial killings sa war on drugs campaign ng dating administrasyon.
Samantala, bukas naman ang Human Rights Committee kung dadalo o hindi ang mga ito sa pagdinig.
Ito ang naging sagot ng chairman ng komite na si Manila 6th Distrtict Rep. Bienvenido Abante Jr., sa kahilingan ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel na paharapin sa pagdinig sina Duterte at Dela Rosa dahil may mga katanungan umano na dapat na sagutin ng mga ito hinggil sa naging pagpapatupad ng war on drugs na sila lamang ang makakasagot.
Ayon pa sa opisyal, naiparating na ng komite kina Duterte at Dela Rosa ang susunod na pagdinig nasa kanila na lamang ang desisyon kung dadalo ang mga ito pagdinig o hindi.
Ito’y bilang pag respeto na rin umano kay Dela Rosa na isang Senador at kay Duterte na nagsilbing pangulo ng bansa, kung kaya hindi ipipilit ng komite ang kanilang partisipasyon sa imbestigasyon ukol sa EJK at drug war.