Mariing tinutulan ng pamahalaang lungsod ng Davao City ang planong pagtatayo ng isang foreign military fuel storage facility sa rehiyon, sa gitna ng ulat na posibleng magtayo ng naturang pasilidad ang Estados Unidos sa Mindanao.

Ayon sa lokal na pamahalaan, hindi nito susuportahan ang proyekto kung wala itong direktang benepisyo sa publiko, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at bilihin dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Nauna nang nagpahayag ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa planong pagtatayo ng Defense Fuel Support Point (DFSP), na sinasabing makakatulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng militar, kabilang ang operasyon sa West Philippine Sea.

Batay sa ulat ng United States Naval Institute, target ng Pentagon na maitayo ang pasilidad sa Southern Philippines pagsapit ng 2028, na inaasahang kayang mag-imbak ng hanggang 41 milyong galon ng fuel at iba pang produktong petrolyo para sa operasyon ng militar ng Estados Unidos.

Advertisement

Gayunpaman, mariin ding tinutulan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Southern Mindanao ang proyekto, na anila’y maaaring lumabag sa soberanya ng bansa at maglagay sa rehiyon sa panganib bilang posibleng target ng mga kalaban ng U.S.

Sa kabila ng mga pagtutol, tiniyak ng AFP na mananatili sa kontrol ng Pilipinas ang nasabing pasilidad at magsisilbi itong panangga laban sa mga banta sa seguridad ng bansa.

Advertisement