NAGA CITY- Umakyat na sa 44 katao ang mga binawian ng buhay habang nasa 15 katao naman ang mga nakaligtas sa pagbagsak ng 21-storey building sa Nigeria.
Mababatid na bumigay ang high-rise building na matatagpuan sa Ikoyi district noong Lunes, Nobyembre 1, 2021 noo’y isinasailalim pa rin sa construction.
Sa ulat ni Bombo International News Correspondent James Ryan Agcol mula sa Nigeria, sinabi nito na kasama rin sa nasawi ang mismong may-ari ng nasabing gusali.
Aniya, ang orihinal na plano sa pagpapatayo ng naturang gusali ay hanggang 15 palapag lamang ngunit humirit umano ang may-ari nito na i-extend hanggang 21 palapag na posibleng naging dahilan nang tuluyang pagguho nito.
Dagdag pa ni Agcol, hindi rin umano kinokonsidera sa Nigeria ang mga lindol sa pagpapatayo ng gusali kung kaya tila mahina ang naging pundasyon ng nasabing high-rise building.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operation ng mga otoridad sa naturang insidente.
Ngunit wala pa rin umanong tiyak na bilang kung ilan ang naroroon sa loob ng gusali nang bumagsak ito.
Samantala, tiniyak naman ng pamahalaan ang tulong para sa pagpapalibing sa mga binawian ng buhay habang magbibigay naman umano ito ng financial support sa mga nakaligtas.