NAGA CITY – Idineklarang brain dead ang isang delivery rider habang nasa kritikal naman ang kondisyon ng isang miyembro ng Naga City Police Office matapos na barilin sa ulo ng isang lalaki sa San Felipe, Naga City, habang ang suspek sa krimen napatay naman ng mga kapulisan.
Kinilala ang pulis na si Patrolman Ronnie Revereza Jr., naka-destino sa Police Station 3 ng Naga City Police Office at isang delivery rider ng isang delivery services sa lungsod ng Naga.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Dario Sola, Deputy City Director for Operations ng Naga City Police Office, sinabi nito na rumesponde lamang umano ang pulis kasama ang dalawa pa nitong kabaro at ang kapitan ng lugar na si Hon. Al Rodriguez sa report na umano’y mayroong binaril na delivery rider sa nasabing lugar.
Aniya, upang malaman ang totoong nangyari kinatok ng kapitan kasama si Revereza ang bahay ng suspek na kinilalang si Eric Sison upang tanungin sana kung maaari nilang makita ang footages mula sa CCTV Camera nito na posibleng nakahagip sa umano’y pamamaril sa nasabing delivery rider.
Ngunit, nagulat na lamang umano si Rodriguez dahil nakita na lamang nito na nakahandusay na sa lupa ang pulis at may tama na sa ulo, ngunit wala naman umano itong narinig na putok ng baril.
Dahil sa pangyayari, agad na rumesponde ang mga kasamahan ni Revereza mula sa Station 3 kasama ang SWAT team at iba pang mga allied forces upang sana’y pakiusapan na sumuko na ang suspek.
Sa kasamaang palad, sa halip na sumuko nakipagpalitan pa ito ng putok sa mga awtoridad na umabot ng mahigit isang oras na naging dahilan ng pagkamatay nito, habang tumagal naman ng halos tatlong oras ang isinagawang negosasyon ng mga pulis sa suspek.
Samantala, ayon naman kay Kapitan Al Rodriguez, problema talaga sa kanilang barangay ang suspek at ilang beses na itong naireklamo dahil sa iba’t-ibang dahilan katulad na lamang ng pagpapaputok ng baril ng walang dahilan at pagtatapon ng baril sa katabi nitong bahay.
Ayon pa sa opisyal, mahilig talagang mangolekta ng baril si Sison at ang pagpapaputok ng mga ito ang ginagawa nitong pampalipas ng oras lalong-lalo na pag mainit umano ang ulo nito.
Sa ngayon, panawagan na lamang ng opisyal sa lahat ng nagmamay-ari ng mga ganitong klase ng armas na huwag gamitin sa mga maling gawain at palagiang magkaroon ng koordinasyon sa mga kapulisan hinggil sa tamang paggamit at pagmamay-ari ng mga ito.