NAGA CITY – Bukas umano ang Department of Education (DepEd)-Bicol na tanggapin ang mga mag-aaral na nasa evacuation centers dahil sa pag-alboroto ng Bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay DepEd-Bicol Regional Director Dr. Gilber Sadsad, sinabi nitong hindi magdadalawang isip ang mga paaralan sa Bicol na tanggapin ang mga estudyante mula sa Batangas na labis na naapektukan ng bulkan.
Ayon kay Sadsad, kahit walang written directives na ibaba ang DepEd, isang standard procedure na aniya sa ahensya na tanggapin ang mga mag-aaral na biktima ng kalamidad kahit walang mga credentials.
Aniya, wala namang magiging problema dahil iisang curriculum lamang naman ang ginagamit ng mga paaralan sa buong bansa.
Dagdag pa ni Sadsad, kinakailangan lamang na mag-enroll ng mga bata sa tamang grade level na kanilang kasalukuyang pinapasukan.
Kung maaalala, una nang binuksan ng Bicol ang mga paaralan sa mga estudyante na una nang naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi noong mga nakaraang taon.