NAGA CITY – Bukas at welcome umano sa mga guro kahit sino ang maging bagong kalihim ng kanilang ahensiya.
Ito ay sa gitna ng usap-usapan na si presumptive Vice President Sara Duterte ang ilalagay ni Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang kalihim ng Department of Education sakaling pormal na itong umupo sa pwesto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Gilbert Sadsad, Regional Director ng DEPED-Bicol, sinabi nitong pinaghahandaan na nila ang posibleng mga pagbabago sa kanilang hanay sakaling magpalit na ng administrasyon.
Binigyang-diin din nito ang mga advantages sakaling si Mayor Inday Sara ang magin kalihim ng departamento lalo na pagdating sa paghingi ng karampatang pondo para sa kanila.
Aniya, sa ngayon kasi, nahihirapan silang humingi ng sapat na pondo lalo na pagdating sa budget hearing sa kongreso.
Dagdag pa ni Sadsad, posibleng sa pamumuno ni Sara Duterte ay maging mas maayos ang palakad sa DEPED dahil kilala ito sa pagiging istriko.
Nagpaabot naman ng kasiyahan ang opisyal dahil sa pagbibigay pansin ng susunod na administrasyon sa edukasyon ng mga estudyante.