NAGA CITY – Nilinaw ng Department of Education (DepEd)-Bicol na nasa mga magulang at mga guro pa rin ang desisyon kung papayagan ng mga ito ang kanilang mga anak sa face to face classes dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Ito’y kasunod ng pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng dry run ng limited face to face classes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Regional Director Dr. Gilbert Sadsad, ssinabi nito na nakadepende pa rin sa mga guro kung papayag ang mga ito na magturo nang face to face sa mga estudyante.
Aniya, maaari naman umanong payagan ang nasa 15 na mga estudyante sa loob ng isang classroom sa loob lamang ng tatlong oras na klase.
Ngunit, sa mga susunod naman na oras ay papalitan ang mga ito ng nasa 15 ulit na mga estudyante at iba na rin ang mga guro na papasok sa nasabing klase.
Dagdag pa ni Sadsad, magkakaroon rin recess time ang mga estudyante ngunit hindi ito papayagan na makalabas para bumili ng pagkain at hindi sila papayagan na makihalubilo sa kapwa estudyante upang maiwasan ang posibleng pagkakahawaan ng nakakamatay na sakit.
Sa ngayon, wala pa umanong kautusan na binababa ang DepEd lalo na wala pang mga na-identify na mga paaralaan para sa pagsasagawa ng nasabing face to face classes.