NAGA CITY- Nahaharap ngayon ang Department of Education Naga sa malaking hamon matapos na malubog sa baha ang maraming paaralan sa pananalasa ni Bagyong Kristine.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Susan Collano, School Division Superintendent- Deped Naga, sinabi nito na back to zero ang maraming paaralan matapos na abutin ng baha at masira ang halos lahat ng naipundar na mga learning equipments mula sa smart tv, computers, printers at iba pang mga kagamitan.Maliban dito, inanod rin ang mga learning resources at halos walang natira sa mga ito.

Ayon pa kay Collano sa pangunang tala, umabot na sa higit P68-M ang naging pinsala sa mga paaralan, kasama na rito ang minor and major damages sa mga classroom at maging sa mga toilets matapos nga na umabot hanggang bubong ang narasanasang tubig baha gaya na lamang sa Camarines Sur National High School na dating hindi naman inaabot ng baha.

Kaugnay nito, nagsagawa na ng flushing operations sa mga paaralan na pwede ng mapasok ngunit sa kapal ng putik at mga basura na nakatambak hindi umano kakayanin ang flushing lamang.

Humingi na ang Deped-Naga ng asistensisya sa LGU-Naga para sa agarang paglilinis sa mga paaralan lalo pa’t nakatalaang may pasok na sa darating na Lunes ang mga mag-aaral.

Dagdag pa ni Collano, mayroon ng organisasyon na nagpa-abot nang kanilang tulong at patuloy rin umano ang kanilang pangangalap ng donasyon upang magamit sa pagbili ng mga school supplies ng mga mag-aaral at iba pa nilang pangangailangan.

Samantala, ibinahagi naman ng opisyal na mayroon ring mga paaralan na hindi masyadong naapektuhan ng bagyo na labis na ipinagpasalamat ng kanilang kagawaran.

Sa ngayon, unaminagible pa umano ang sitwasyon sa mga paaralan at aaabot pa sa dalawang linggo bago ma-account ang kabuuang pinsala na idinulot ng bagyong Kristine.