NAGA CITY- Suportado ng Department of Education Naga ang implementasyon ng pagbabawal sa paggamit ng cellphone sa loob ng klase sa mga paaralan sa lungsod.
Ayon kay Dr. Susan Collano, Schools Division Superintendent ng DepEd-Naga, suportado at kanilang ii-implement ang nasabing kautusan lalo pa’t mayroong malaking epekto sa mga estudyante ang kanilang paggamit ng cellphone.
Hagad umano nila na makapag pokus ang mga bata sa kanilang pag-aaral at maiwasan na madistract dahil sa kanilang mga gadgets.
Ang mga guro naman umano ang magmamandato sa mga estudyante kung saan pupwedeng gamitin ang kanilang mga gadgets.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ni City Councilor Lito del Rosario na kahapon, tuluyan ng inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng cellphone sa oras nang klase ng mga elementary at secondary students sa lungsod.
Ayon pa sa opisyal, nakaka-agaw ng atensyon ng mga mag-aaral ang paggamit ng cellphone na nagreresulta sa poor performance ng mga ito at pagbagsak sa ilang mga pagsubok.
Kung kaya malaking tulong umano ang pag-apruba sa nasabing ordinansa upang matutong maging responsable ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral.
Samantala, patuloy naman na pinapayagan ng departamento na makapag enroll ang iba pang estudyante batay na rin sa sirkumstansya ng kanilang pamilya.
Sa ngayon, patuloy pa ang pagsusumikap ng mga guro upang matiyak na natututo ang mga estudyante mula sa kanilang mga lessons.