NAGA CITY- Hindi itinatanggi ng Department of Education ang kanilang papel kaugnay ng mga binabatong batikos matapos ang nag-viral na mga mag-aaral sa isang reality TV Show.
Mababatid na kamakailan lamang, umani ng samu’t-saring komento sa social media ang maling sagot ng mga mag-aaral hinggil sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Deped UnderSercretary Diosdado San Antonio, binigyang diin nito na hindi patas na sa ahensiya mismo ipupukol ang mga batikos patungkol sa maling mga sagot ng mga estudyante.
Aniya, may papel din sa pagtuturo sa mga kabataan ang mga magulang, simbahan, at maging ang mass media.
Punto ni San Antonio, posibleng hindi maayos na nagawa ng ahensiya ang inaasahang mga paraan ng pampanuruan.
Ngunit hindi naman umano maaalis na talagang may mga mag-aaral na nagkulang o hindi nakapasa at may mga pagkakataon na hindi lahat ng tinuturo ng mga guro ang natututunan ng mga estudyante.
Kaugnay nito, lininaw ni San Antonio na natatalakay pa rin ang Philippine History, taliwas sa paniniwala ng ilan na hindi na ito tinuturo sa High school.
Sa kabila nito, ibinahagi rin ng opisyal na ongoing pa ang curriculum review ng DepEd sa K-12, na nakatuon sa foundation skills sa pagbabasa, mathematical at socio-emotional skills ng mga kabataan.