NAGA CITY – Pinaniniwalaang depression ang naging dahilan ng pagpapakamatay ng isang lalaki sa Barangay Amomokpok, Ragay, Camarines Sur.

Kung maaalala, una ng kinilala ang biktima na si Maximo Año Jr, 23-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Garry Mangente, hepe ng Ragay Municipal Police Station, sinabi nito na nakatanggap na lamang umano sila ng report tungkol sa nasabing insidente.

Ayon kay Mangente, napapansin na umano ng pamilya nito na may dinaramdam ang biktima at nakita pa ito ng kanilang mga kapitbahay na umiinom ng alak mag-isa.

Samantala, bandang alas-tres naman ng madaling araw ng mapansin ng mga kapamilya ng biktima na hindi ito umuwi sa kanilang bahay, kung kaya agad naman nila itong hinanap at dito na nga natagpuan si Año na nakabitay sa puno ng mangga malapit sa kanilang bahay.

Sa ngayon, panawagan na lamang ni Mangente sa mga magulang na palaging bigyan ng atensyon ang kanilang mga anak at kausapin ang mga ito para maiwasan ang kaparehas na insidente.