Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Local Government Unit ng Naga dahil sa development nito.
Sa naging talumpati ng punong ehekutibo, sinabi nito na sa ibang LGU, ang National Government pa ang naglalagay ng palengke, paaralan maging ang pabahay.
Ngunit ito aniya ay nagawa na ng lungsod at tanging pabahay na lamang ang iaaasa sa kanila.
Dagdag pa ng pangulo, kung ganito kaganda ang magiging human settlement, magiging masigla at produktibo ang sisimulang pamayanan.
Samantala, ang proyektong ito umano ay bahagi ng tuloy-tuloy at walang tigil na pagsisikap ng pamahalaan para matupad ang mga adhikain sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Projects ng bansa.
Aniya, sa katunayan, nilagdaan na ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD)ang 83 Memorandum of Understanding at apat na Memorandum of Agreement sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa Pangulo, napakahalaga umano ng ganitong mga kasunduan sapagkat mas unti-unting mabibigyan ng katugunan ang matagal nang hangarin na magkaroon ng maayos at ligtas na tirahan para sa mga mamamayan.
Bukod dito, patuloy pa rin umano ang ginagawang pananaliksik ng pamahalaan kung paano pa mapapalawak ang mga programa para sa tiyak na pabahay; kung paanong sapat na mapopndohan ang mga ganitong proyekto; at kung ang posibilidad na paggamit ng mga bakanteng lupa ng estado upang palawigin ang mga programang pabahay alinsunod sa mga batas at alituntunin ng bansa.
Kaugnay nito, nanawagang muli ang pangulo sa DHSUD na tuparin ang kanilang mandato sa pamamagitan ng paglikha ng mga estratehiya at mga polisiya na magpapatatag ng maayos, mura at matibay na pabahay para sa mga Pilipino.
Sa kabila nito, hinikayat na lamang ni Pangulong Marcos Jr. ang lahat na magsikap para tuluyan nang matugunan ang kakulangan na pabahay sa bansa.