Inilarawan ng Archdiocese ng Caceres ang nagpapatuloy na digmaan sa Middle East bilang bunga ng pagiging makasarili at kawalan ng katuwiran ng tao, kasabay ng panawagan sa mga mananampalataya na magbalik-loob sa Diyos ngayong Semana Santa.
Sa pahayag ni Most Rev. Rex Andrew C. Alarcon, DD, ang arkobispo ng nasabing simbahan, ang mga kaguluhan at karahasang nararanasan sa mundo, partikular ang digmaan sa Middle East, ay sumasalamin sa paglayo ng tao sa Diyos at sa tunay na layunin nito bilang tagapangalaga ng sangnilikha.
Binigyang-diin niya na ang sangkatauhan ay mga “stewards of creation” lamang na inatasang pangalagaan ang mundo nang may kabutihan at pananagutan, hindi upang pairalin ang pansariling interes na humahantong sa alitan at pagkawasak.
Sa gitna ng mga krisis na ito, hinikayat ng arsobispo ang lahat na gamitin ang Semana Santa bilang pagkakataon upang magsisi, humingi ng tawad, at magbalik sa piling ng Diyos.
Aniya, bukas ang Diyos sa sinumang nagnanais magbagong-buhay, basta’t panatilihing bukas ang puso at isipan sa Kanyang biyaya.
Ipinaalala rin ni Alarcon na hindi kailanman pinababayaan ng Diyos ang Kanyang mga anak, kaya mahalagang pairalin ang malasakit sa kapwa at damayan ang mga apektado ng digmaan at iba pang pagsubok.
Sa huli, binigyang-diin niya ang pangangailangan ng ‘deep personal transformation’—sa isip, puso, at kaluluwa—upang makamit ang tunay na kapayapaan, hindi lamang sa sarili kundi maging sa buong mundo.














