Nagsampa ng kasong kriminal at administratibo ang Department of the Interior and Local Government laban kay Fire Director Jesus Fernandez, hepe ng Bureau of Fire Protection, kaugnay ng umano’y pagtanggap ng ₱14.7 milyong kickback mula sa procurement ng mga ambulansiya noong 2024.
Ayon kay Juanito Victor Remulla, inihain ang reklamo sa Office of the Ombudsman matapos matuklasan ng kanilang imbestigasyon ang umano’y “systematic manipulation” sa bidding process para sa pagbili ng 132 ambulansiya ng BFP.
Batay sa imbestigasyon, si Fernandez umano ang chairperson ng BFP Bids and Awards Committee (BAC) nang isagawa ang procurement at inakusahang tumanggap ng pera mula sa isang supplier kapalit ng pagpanalo sa bidding.
Kabilang din sa pinangalanang akusado ang negosyanteng si Rosaverna Sangga ng Auto Zone Prime Distributors Inc., na sinasabing nagbigay ng pera kay Fernandez. Ayon sa mga imbestigador, tatlong beses umanong ibinigay ang pera sa pamamagitan ng mga maleta na naglalaman ng milyun-milyong piso.
Mayroon ding testigo na umano’y personal na nakasaksi sa paghahanda at pag-abot ng tinatawag na “SOP” o kickback money sa opisyal ng BFP.
Dahil dito, nahaharap si Fernandez sa mga kasong direct bribery, malversation, conspiracy, at paglabag sa Republic Act No. 3019. May kinakaharap din siyang administratibong kaso kabilang ang grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the service.
Hiniling din ng DILG sa Ombudsman na pansamantalang suspendihin si Fernandez habang isinasagawa ang imbestigasyon upang mapanatili ang integridad ng kaso.
Patuloy namang iniimbestigahan ang ilang miyembro ng BAC na maaaring may kaugnayan sa umano’y kickback scheme. Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag sina Fernandez at Sangga kaugnay ng mga paratang.








