NAGA CITY – Ikinatuwa ng isang kongresista ang ulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan ay sosolusyunan umano ng pamahalaan ang mga banta na kinakaharap ng bansa nang hindi dadanak ang dugo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Congressman Jil Bongalon, ng Ako Bicol Party List, sinabi nito na ayon kay PBBM gagawin ng kanyang administrasyon ang lahat para ipaglaban ang karapatan ng bansa pagdating sa nagpapatuloy na agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Bukod dito, iginiit din ng pangulo na hindi ibibigay ang nasabing dagat sa sinumang dayuhan partikular sa China.
Gayunman, nilinaw din ng opisyal na hindi gagawa ng hakbang ang pangulo na maglalagay sa panganib sa bansa partikular na ang deklarasyon ng digmaan.
Kaya naman, gagamit lamang ng diplomatic channel ang gobyerno para sa nasabing isyu. Dagdag pa rito, dadagdagan din ang pagpapatrolya sa mga apektadong lugar.
Samantala, hindi aniya mawawala ang pangamba na sinakop na ng China ang Pilipinas lalo na ang isyu tungkol kay suspended Mayor Alice Gou na umano’y nameke ng birth certificate at iba pang indibidwal. Ngunit nangyari ang nasabing isyu noong panahon ni dating Pangulong Duterte.
Dahil dito, patuloy na nagsusumikap ang kasalukuyang administrasyon na puksain ang mga ilegal na gawain ng mga dayuhan sa ating bansa.
Katulad ng pagpuksa sa iligal na droga nang walang binabawian ng buhay.
Dagdag pa ng opisyal, sinisikap din ng gobyerno na mapababa ang presyo ng mga bilihin lalo na ang presyo ng bigas kahit hindi ito nakasama sa talumpati ng Pangulo.