NAGA CITY- Humingi ng dispensa at pang-unawa ang Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng limitadong pag resume ng Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT).

Kung maaalala, tanging ang Regions VI, VII, IX, XII, at BARMM lamang ang pinayagan na magresume ng naturang eksaminasyon dahil pa rin sa banta ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rona Jane Nuñez, tagapagsalita ng CSC-Bicol, sinabi nito na tinatayang aabot sa 16,000 na mga examinees ang inaasahang kukuha ng kanilang refund sa naturang rehiyon.

Dagdag pa nito, hanggang sa kasalukuyang taon lamang ang ilalaan na panahon para sa pag-claim ng nasabing refund.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng naturang ahensiya na ginagawa nila ang kanilang makakaya para maibigay ang serbisyo sa publiko.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang paghahanda ng CSC para sa posibleng pagsasagawa ng CSE-PPT sa rehiyon sa mga susunod na taon.