NAGA CITY – Nakadepende umano sa tao kung ikokonsidera nila na paglabag sa divine law ang divorce bill sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Robert Miranda Gozun, Managing Legal Counsel kan Gozun Law Firm, sinabi nito na hindi naman ito awtoridad upang magbigay ng opinyon hinggil dito, ngunit nilinaw rin nito na may dahilan kung bakit pinagghiwalay ang Simbahan at estado.
Dagdag pa ni Gozun, na ayon sa Korte Suprema maraming benipisyo ang naiibigay ng simbahan sa publiko na hindi kayang ibigay ng pamahalaan, habang ang gobyerno naman ay nakakapagbigay ng benipisyo sa publiko na hindi naman kayang ibigay ng simbahan.
Aniya, kung mas importante sa isang tao ang relihiyon nito, dapat na sundin nito ang kaniyang relihiyon, mapa-bawal man ito ang diborsyo,annulment, o paghihiwalay.
Hindi naman umano kailangang gamitin ng taong ito ang mga remedyong nabanggit kung labag ito sa kanilang kautusan.
Mayroon rin naman na hindi na nagsasama ang isang mag-asawa ngunit nananatiling kasal at hindi maaaring magpakasal ulit dahil nakatali na sila sa isa’t-isa.
Sa ilalim naman ng batas at sa paningin ng mga tao mas magiging maayos ang lahat kung ang gagamitin na paraan ay ang nasabing mga remedyo.
Sa huli, nasa tao pa rin kung ano ang kanilang susundin at gagawin, ito’y dahil isa itong option sa batas at walang nagpwepwersa sa sinuman na gawin ito.