NAGA CITY – Pagkakaisa at pagtutulungan ang naging puhunan ng lahat ng mga rescuers at responders na nakasama sa retrieval operation sa mga labi ng apat na sakay ng cessna 340 plane na bumagsak malapit sa crater ng Mayon Volcano sa Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Mark Spaña, Deputy Chief of Police ng Sagñay Municipal Police Station, isa sa mga nakasama sa nasabing operasyon, sinabi nito na hindi naging madali ang kanilang pag-akyat sa bulkan dahil sa matarik at madulas na daan kung saan ay mayroon pang nabalian dahil dito.

Ngunit sa kabila nito, natutuwa umano si Spaña na naging bahagi ito ng nasabing operasyon dahil dito nito nakita ang pagkakaisa ng mga miembro ng kapulisan, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Army at iba pang kawani ng mga awtoridad para sa isang adhikain.

Kwento pa ng opisyal, naghihiraman umano sila ng mga gamit na wala ang iba upang maging matagumpay ang operasyon.

Isa aniya sa naging malaking problema para sa kanila ang pabago-bagong sitwasyon ng panahon lalo na at umuulan at napipilitan umano sila na itigil ang operasyon para sa kaligtasan ng lahat ng mga responders.

Pinagpapasalamat na lamang ng opisyal na ligtas na nakababa at nakauwi sa kanilang mga pamilya ang lahat ng mga rescuers at reponders matapos ang ilang araw na pagpupursigeng maibaba ang katawan ng mga biktima sa gitna ng pabago-bagong panahon at hirap na pinagdaanan.

Samantala, nagpaabot naman umano ng pasasalamat ang mga namumuno sa Camalig, Albay maging ang mga kapamilya ng mga biktima sa lahat ng naging bahagi ng nasabing operasyon.