Ipinahayag ng Bureau of Immigration (BI) na nabuking ang umano’y dobleng identidad ng Chinese national na si Chen Zhong Zhen, matapos magtugma ang kanyang fingerprints sa isa pang pangalan na si Joseph Cue Sy, ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon sa BI, iisang tao lamang ang gumagamit ng dalawang identidad, batay sa fingerprint records na nakuha mula sa NBI clearance. Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na kamakailan ay nakatanggap ang ahensya ng dactyloscopy report mula sa NBI, na nagpapatunay na magkapareho ang fingerprints ni Chen Zhong Zhen at ng indibidwal na kinilalang si Joseph Cue Sy.

“Uubusin namin ang lahat ng legal na paraan upang mapanagot ang mga taong nagtatangkang linlangin ang mga awtoridad sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang identidad,” ani Viado.

Dagdag pa ng BI, humingi na rin sila ng tulong sa Office of the Solicitor General (OSG) upang tuklasin ang lahat ng legal na remedyo at matiyak na maisusulong ang kaso hanggang sa pinakahuling antas.

Advertisement

Ang pagkakatuklas sa dobleng identidad ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng BI sa mga batas sa imigrasyon at paggamit ng forensic evidence upang matiyak na ang mga lumalabag sa batas ay maipapanagot.

Advertisement