Umaasa ang Department of Energy (DOE) na magagamit na sa lalong madaling panahon ang bagong-tuklas na Malampaya East-1 (MAE-1) upang makatulong sa tumitinding krisis sa langis sa bansa, ayon kay Secretary Sharon Garin.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sec. Garin na ang pamahalaan at mga pribadong investor ay nagtutulungan upang mabilis na mapakinabangan ang bagong reserba ng natural gas, lalo na’t nagpapatuloy ang tensyon sa Middle East. Binanggit niya na mahalaga ang Malampaya bilang lokal na proteksyon sa oil supply ng Pilipinas, na nagbabawas sa pangangailangan na umangkat mula sa ibang bansa.
Nilinaw ng DOE chief na kailangan pa ring ayusin ang mga teknikal na isyu bago tuluyang maisama ang MAE-1 sa energy mix ng bansa. Kasalukuyan ring nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga investor para mapabilis ang proseso.
Noong Enero 19, 2026, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtuklas ng hanggang 98 billion cubic feet ng natural gas sa Malampaya East-1. Mula noon, pinaigting pa ng Armed Forces of the Philippines ang pagbabantay sa lugar, lalo na’t malapit ito sa mga teritoryo ng bansa na inaangkin ng China.
Ang MAE-1 ay matatagpuan limang kilometro sa silangan ng Malampaya Gas Field, isang pangunahing pinagkukunan ng lokal na gas para sa bansa.













