Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng langis sa bansa ngunit nagbabala na posibleng tumaas nang malaki ang presyo ng petrolyo dahil sa umiiral na kondisyon sa pandaigdigang merkado.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Miro Quimbo, sinabi ni Sharon Garin, kalihim ng DOE, na hindi kakulangan sa suplay ang pangunahing problema kundi ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Garin, wala sa ngayon ang pandaigdigang kakapusan ng suplay, ngunit ang umiiral na tensyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nagtutulak sa pagmahal ng langis.
Dagdag pa ng DOE, inaasahan ang isa sa pinakamalaking pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel sa Martes, Marso 10. Tinatayang tataas ang presyo ng petrolyo ng ₱17 hanggang ₱24 kada litro ngayong linggo.
Upang mabawasan ang bigat sa mga mamimili, napagkasunduan ng ilang oil companies na ipatupad ang pagtaas ng presyo nang paunti-unti o staggered, sa halip na isang biglaang pagtaas.
Halimbawa, may ilang kumpanya na magdadagdag muna ng humigit-kumulang ₱2.50 kada litro bawat adjustment, habang ang iba naman ay maaaring magpatupad ng paunang ₱10 kada litro bago sundan ng karagdagang pagtaas sa mga susunod na araw.
Sinabi rin ng DOE na sapat ang kasalukuyang suplay ng fuel sa bansa at inaasahang tatagal ang stock hanggang Abril, kasama ang mga padalang langis na kasalukuyang nasa biyahe papunta sa bansa.
Upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay, pinag-aaralan din ng pamahalaan ang government-to-government agreements sa ibang bansa at ang pagkuha ng karagdagang suplay mula sa South America, United States, Australia, at Africa.
Gayunman, ipinaalala ng DOE na hindi maaaring direktang kontrolin ng gobyerno ang presyo ng langis dahil ang industriya ng petrolyo sa bansa ay nasa ilalim ng deregulated market system.












