NAGA CITY- Aminado ang Department of Health (DOH)- Bicol sa nararanasang kakulangan sa tao ng dalawang laboratoryo na nagpoproseso ng lahat ng specimen kaugnay ng COVID-19 na mula sa iba’t-ibang ospital, health centers at Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMF) sa rehiyon.
Sa inilabas na impormasyon ng naturang ahensiya, kinumpirma nitong mayroon nang tatlong biologist ang umalis upang maghanap ng ibang trabaho at may mga nakalaan na rin na mag-resign hanggang sa katapusan ng Agosto.
Ngunit wala ring gustong mag-apply sa mga bakanteng posisyon.
Ayon pa dito, hindi madali ang proseso sa pagtest ng mga samples gamit ang RT-PCR, kung kaya kinakailangan talaga na marami ang tauhan sa laboratoryo.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang recruitment at hiring para sa mga nabakanteng posisyon at ipinapatupad ang shifting schedule para sa mga natirang staff upang matugunan lamang ang pangangailangan ng rehiyon.
Samantala, nakiusap na rin ang ahensiya sa karatig na rehiyon upang pansamantalang matulungan ang pangangailangan sa laboratoryo sa Bicol Region.