NAGA CITY- Handa umanong magrekomenda ng lockdown sa buong Camarines Sur ang Department of Health sakaling may maitalang kaso ng novel coronavirus sa lugar.
Ito’y kaugnay pa rin ng nagpapatuloy na paglaban ng bansa sa nasabing sakit.
Sa pagharap ni Dr. Rey Millena ng Department of Health- CamSur, sinabi nitong bilang preventive measure ay handa silang magrekomenda ng lockdown sa buong lalawigan.
Ayon kay Millena, dapat mas paigtingin pa ang seguridad sa mga paliparan sa lungsod ng Naga at Legazpi lalo na ang may mga byaheng Manila to Legazpi and vice versa.
Aniya, nakahanda na rin silang magtalaga ng mga tao sa paliparan para magbabantay.
Samantala, pakiusap naman ni Millena sa publiko na huwag ubusin ang mga binebentang masks dahil sa ngayon kontrolado naman ang virus.