Photo © web

Tiniyak ng Department of Health (DOH) sa publiko na mahigpit nitong minomonitor at pinaghahandaan ang anumang posibilidad ng hantavirus outbreak, kabilang ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga laboratoryo at pakikipag-ugnayan sa Bureau of Quarantine.

Ayon kay Health Spokesperson USec. Albert Domingo, sinusuri na ng DOH ang kahandaan ng kanilang mga laboratoryo upang matukoy ang posibleng kaso ng hantavirus sa bansa.

Sinabi ni Domingo na mayroon nang Polymerase Chain Reaction (PCR) machines ang ahensya na ginamit noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at kailangan na lamang palitan ang primer nito upang magamit sa pagsusuri ng hantavirus.

Dagdag pa niya, may tatlong institusyon sa bansa na mayroong electron microscope na makatutulong sa pagtukoy ng virus habang hinihintay ang PCR primer.

Advertisement

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang DOH sa Bureau of Quarantine (BOQ) kaugnay ng monitoring at paghahanda laban sa posibleng pagpasok ng virus sa bansa.

Ayon kay Domingo, iniulat ni BOQ Director Roberto Salvador Jr. na direktang nakikipag-ugnayan ang bureau sa kanilang counterparts sa ibang bansa sa pamamagitan ng International Health Regulations.

Sinabi rin ng opisyal na maglalatag ang DOH ng mahigpit na protocols sakaling dumaong sa Canary Islands sa Spain ang MV Hondius na may sakay na mga pasaherong dinapuan umano ng virus.

Lulan din ng barko ang 38 Pilipinong tripulante na nauna nang iniulat ng DOH na nasa ligtas na kalagayan at walang iniindang sakit.

Ayon kay Domingo, sasailalim sa makatao at may dignidad na pagsusuri ang mga Pilipinong seafarers at kapag napatunayang maayos ang kanilang kalusugan, saka lamang sila papayagang makauwi sa bansa alinsunod sa mahigpit na protocol na ilalabas ng World Health Organization.

Advertisement