Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng kabuuang 4,633 bagong kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa sa unang tatlong buwan ng 2026, na mas mataas ng siyam na porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa pinakahuling datos mula sa HIV and AIDS Surveillance of the Philippines, naitala ang mga kaso mula Enero hanggang Marso 2026, kung saan 1,104 o 24 porsiyento ay nasa advanced HIV stage na nang sila ay ma-diagnose.
Ayon sa DOH, umabot sa average na 51 kaso kada araw ang naitala sa naturang panahon, mas mababa kumpara sa 57 daily cases noong unang quarter ng 2025.
Nasa 1,544 naman ang average monthly cases, na mas mababa rin ng siyam na porsiyento kumpara sa 1,693 sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Pinakamataas ang bilang ng mga bagong kaso sa National Capital Region (NCR) na may 989 infections, sinundan ng Calabarzon na may 808, Central Luzon na may 551, Soccsksargen na may 277, at Davao Region na may 263 kaso. Ang limang rehiyon ay bumubuo sa 62 porsiyento ng lahat ng bagong kaso sa bansa.
Karamihan sa mga bagong kaso ay kalalakihan na may 4,381, habang 252 naman ang kababaihan, na may edad na mula dalawang taong gulang hanggang 77 taong gulang.
Batay sa National HIV Care Cascade noong Marso 2026, tinatayang nasa 288,000 katao ang nabubuhay na may HIV sa Pilipinas, ngunit 55 porsiyento pa lamang ang kumpirmadong na-diagnose o laboratory-confirmed cases.














