Hinimok ni Justice Secretary Fredderick Vida ang mga empleyado ng Department of Justice (DOJ) at kanilang pamilya na magtipid ng kuryente at gasolina kahit nasa bahay, kasunod ng patuloy na tensyon sa Middle East.

“Dalhin natin ang diwa ng pag-iingat at pagtitipid sa ating mga pamilya. Sa panahon ng krisis, walang maliit na aksyon na hindi makakapagdulot ng malaking pagbabago,” ani Vida sa isang pahayag.

Bilang bahagi ng hakbang sa pagtitipid sa enerhiya, ipinatupad ng DOJ ang apat na araw na onsite workweek: magtatrabaho ang mga empleyado sa opisina mula Lunes hanggang Huwebes, habang mandatory work-from-home ang Biyernes.

Ayon sa DOJ, inaasahang makakatipid ito ng humigit-kumulang 20,142 kilowatt-hours ng enerhiya kada buwan.

Advertisement

“Magkakasama, bilang isang pamilya ng DOJ, malalampasan natin ang bawat hamon. Lagi at lagi, para sa ating mga pamilya at bayan,” dagdag ni Vida.

Samantala, noong nakaraang linggo, pinagtibay ni President Ferdinand Marcos Jr. ang isang urgent bill na nagbibigay sa kanya ng emergency powers upang pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis. Ang kaukulang panukala sa Senado ay inaprubahan na ng joint Senate committees on Energy at Ways and Means noong Marso 12.

Advertisement