Umabot na sa 3,968 ang kabuuang plantilla positions ng Department of Justice (DOJ) nitong Marso 2026 bilang bahagi ng pagpapalakas ng serbisyo publiko, ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida.
Mula sa 2,883 posisyon noong 2022, patuloy na nadagdagan ang bilang ng mga kawani ng DOJ—3,025 noong 2023 at 3,240 noong 2024—hanggang sa halos 4,000 ngayong taon.
Sa isang briefing nitong Martes, inilahad ni Vida ang mga naging hamon noon sa kakulangan ng tauhan, partikular sa mga tanggapan ng prosekusyon.
“Alam ninyo ba dati meron pa kaming prosecution office, marami ha, several, na iisa ang piskal. Siya ang magda-draft, siya ang magre-review, siya din ang mag-a-approve,” ani Vida.
Ayon sa kalihim, layunin ng pagdaragdag ng mga posisyon na matiyak ang sapat na bilang ng empleyado at mas maayos na paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Dagdag pa niya, “We ensured that with the creation of the new plantilla positions, the offices will be properly manned and the service will be properly delivered to our constituents.”
Target ng DOJ na maabot ang 4,500 plantilla positions pagsapit ng 2028.
Samantala, iniulat din ng ahensya ang pagbuti ng kanilang performance. Tumaas ang disposition rate mula 92.95% noong 2022 hanggang 99.77% noong 2025, habang umakyat din ang prosecution rate mula 89.94% hanggang 90.84%.
Sa kabuuan, umabot na sa 1,621,721 reklamo ang nalutas ng DOJ.
“At the end of the day, better performance translate to efficient and effective delivery of public service, and numbers will not lie,” ani Vida.
Aminado naman ang kalihim na may mga hamon pa ring kinakaharap ang departamento, ngunit tiniyak niyang patuloy nilang paiigtingin ang kanilang mga hakbang upang mapabuti ang serbisyo.
Plano rin ng DOJ na magbukas ng mga regional office ngayong taon sa Negros Occidental at Cordillera Administrative Region upang mas mapalapit ang kanilang serbisyo sa publiko.














