NAGA CITY – Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi lamang ang ahensiya ang nagse-set ng itinatakdang minimum wage para sa mga manggagawa.
Mababatid na sa kabila ng naaprubahang P55 na wage hike sa mga empleyado sa Bicol region, ilan sa mga manggagawa ang nagsabing kulang pa rin ito lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo gayundin ang mga pangunahing bilihin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Johanna Gasga, tagapagsalita ng DOLE-Bicol, sinabi nito na ang naturang halaga ang idinaan sa public hearing na isinagawa sa lungsod ng Naga at Legazpi noong nakaraang Abril bago ito aprobahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
Ang naturang Board ang binubuo ng mga representante ng management, labor sector at iba’t-ibang ahensya de govierno kasama ang DOLE, NEDA at DTI.
Kaugnay nito, ang naturang wage increase ang hahatiin sa dalawang tranches o bagsakan na ibig sabihin, idadagdag ang P35 sa oras ng effectivity ng nasabing kautusan habang ibibigay naman ang dagdag na P20 sa December 1, 2022.
Kung magiging epektibo na ang nasabing wage order, magiging P365 na ang daily wage ng mga private employees sa Bicol region.