Nag-anunsyo ang businessman na si Anthony Pangilinan at ang kanyang anak na aktor na si Donny Pangilinan ng ₱3 bawas sa presyo ng diesel sa kanilang gasolinahan upang makatulong sa mga motorista na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa isang social media post nitong Lunes, sinabi ni Anthony na pinag-aralan nila ang epekto ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo hindi lamang sa kanilang negosyo kundi pati na rin sa kanilang komunidad.
Ayon sa kanya, si Donny ang nagmungkahi na magpatupad ng ₱3 discount sa bawat litro ng diesel mula sa regular na presyo sa kanilang gasolinahan na matatagpuan sa South Forbes.
Sinimulan ang naturang diskwento ngayong Martes, Marso 17.
Bagama’t aminado si Anthony na maaaring makaapekto ito sa kita ng kanilang negosyo, pinili pa rin umano nilang unahin ang pagtulong sa mga motorista at consumer na nahihirapan dahil sa sunod-sunod na oil price hikes.
Nangako rin ang pamilya Pangilinan na ipagpapatuloy nila ang mababang presyo ng diesel hangga’t kakayanin ng kanilang operasyon.
Samantala, umani ng papuri mula sa mga netizen ang hakbang ng mag-ama, kung saan marami ang humanga sa pagiging socially conscious ni Donny at sa suporta ng kanyang ama.
Matatandaang sinabi ng Department of Energy na posibleng umabot sa ₱114 kada litro ang presyo ng diesel ngayong linggo, sa kabila ng pansamantalang pagbawas ng ilang oil companies sa ipinatupad na price increase.








