Isinagawa ngayong Martes ang pagpupulong at inspeksyon nina Leni Robredo, alkalde ng Naga City, at Vince Dizon, Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kaugnay ng mga proyektong pang-imprastraktura sa lungsod.
Nagpulong ang dalawang opisyal sa Naga City Hall upang talakayin ang mga panukalang proyekto at kasalukuyang isinasagawa sa lungsod. Kagagaling lamang ni Mayor Robredo sa Taiwan matapos dumalo sa Smart Cities Summit and Expo, habang si Secretary Dizon naman ay mula sa isinagawang inspeksyon sa Andaya Highway kahapon.
Matapos ang pagpupulong, nagtungo ang mga opisyal kasama ang mga kawani ng DPWH sa ilang lugar para sa inspeksyon. Kabilang sa mga kanilang binisita ang Villanueva Avenue sa Barangay Liboton at ang Bicol River Esplanade sa Barangay Tabuco.
Ayon kay Secretary Dizon, bahagi ng mandato ng DPWH ang makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mapabuti ang imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaugnay naman ng kumakalat na tarpaulin sa Cebu na nag-uugnay umano sa kanila ni Mayor Robredo sa posibleng alyansa sa halalan, nilinaw niya na wala itong katotohanan.
Ani Dizon, purong trabaho lamang ang kanilang ginagawa at huwag na lamang bigyan pansin ang mga ito.
Sa panig ni Mayor Robredo, iginiit niyang ang kanilang pagiging “tandem” ay umiiral lamang sa trabaho at nakatuon sa pagpapaunlad ng Naga City, hindi sa pulitika.
Samantala, ibinahagi rin ni Dizon na bahagi ng plano ng lokal na pamahalaan na gawing pedestrian-friendly ang MT Villanueva Avenue, lalo na’t matatagpuan dito ang ilang paaralan at establisyimento. Ang proyektong ito ay kahalintulad ng mga inisyatiba sa Metro Manila, kabilang ang mga pagsasaayos sa EDSA, upang mapabuti ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pedestrian.
Isa rin sa mga ininspeksyon ang paligid ng Julian Meliton Elementary School, na madalas bahain tuwing may malalakas na pag-ulan o bagyo. Isasama ito sa mga prayoridad na proyekto sa ilalim ng flood mitigation program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasaayos sa Andaya Highway at iba pang imprastraktura sa Naga City para sa kapakinabangan ng mga residente.
Matapos ang kanyang pagbisita sa Naga, nakatakdang magtungo si Secretary Dizon sa Quezon City upang magsagawa rin ng karagdagang inspeksyon.












