NAGA CITY-DEAD ON ARRIVAL ang driver ng isang pribadong sasakyan matapos na makabangga sa isang pampasaherong bus sa Brgy. Boclod, San Jose, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay FO1 Ryan B Rellora, ang Fire Safety Inspector, EMS Personnel, PIO, ng San Jose Fire Station, sinabi nito na isang vehicular accident ang nangyari sa nasabing barangay kung saan sangkot ang public utility bus at isang pribadong sasakyan na Crosswind.
Ayon pa kay Rellora, pagdating umano ng kanilang mga tauhan sa pinangyarihan ng insidente, wala nang mga pasahero ang bus habang ang ang driver naman ng Crosswind ay naipit sa loob ng sasakyan at walang malay.
Inamin naman ng opisyal na nahirapan silang tanggalin ang biktima sa loob ng sasakyan dahil na rin sa kalagayan nito.
Nang matagumpay na mailabas ng mga tauhan ng BFP San Jose ang biktima, kaagad naman umano itong nilapatan ng agarang lunas at dinala sa pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan pero dahil sa lakas ng impact at pagkakaipit nito, ideneklara rin lang itong dead on arrival ng mga doktor.
Batay naman sa paunang imbestigasyon, tinitingnan na dahilan ng naturang insidente ang tinatawag na human error kung saan napasok umano ng driver ng pribadong sasakyan ang kabilang linya na binabagtas ng pampasaherong bus na papunta sana sa Lagonoy, Camarines Sur.
Dahil dito, bumangga ang pinagmamanehong sasakyan ng biktima sa bus.
Samantala, kinailangan naman na magsagawa ng flashing ang BFP-San Jose dahil mayroon umanong nagtagas na krudo sa pinangyarihan ng aksidente.
Ang nabanggit naman na insidente ang unang vehicular accident sa bayan ng San Jose para sa kasalukuyang taon.
Sa ngayon, pa-alala na lamang ng opisyal na magdoble ingat enkaso nagmamaneho.