NAGA CITY – Nahaharap sa patong-patong na kaso ang drayber ng SUV na umararo sa 17 nakaparadang sasakyan sa lungsod ng Naga.
Una nang kinilala ang drayber ng SUV na si Jefferson Anthony Mariano, 27-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City police Office, sinabi nito na bumulaga na lamang ang nasabing behikulo sa kahabaan ng Elias Angeles St. sa nasabing lungsod dakong alas-4 ng madaling araw kanina.
Aniya, marami ang nakaparadang sasakyan sa lugar dahil halos kakatapos lang umano ng isinagawang dawn procession kaugnay ng pagdiriwang ng Peñafrancia Festival.
Ayon pa sa opisyal, may nabangga nang isang sasakyan ang SUV ngunit sa halip na tumigil ay patuloy lamang nitong inararo ang sasakyan hanggang sa may mabangga pang mga sasakyan na naging dahilan para huminto ang SUV.
Ang naturang insidente ay agad namang narespondehan ng mga kapulisan na naroon sa pinagyarihan ng aksidente kung saan agad ring naaresto ng mga awtoridad ang drayber ng SUV.
Samantalala, napag-alaman pa na nasa ilalim ng impluwensiya ng alak si Mariano habang nagmamaneho na nagresulta sa nasabing insidente.
Sa kabila nito, agad ding tumungo sa himpilan ng NCPO Station 1 ang mga may-ari ng nadamay na saksakyan para pormal na maghain ng reklamo.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Mariano habang inihahanda ang mga kaso laban dito.