NAGA CITY- Patay ang driver at ang pasahero ng isang kotse matapos bumangga sa isang Van sa Barangay Sto.Domingo-Amparado Boundary sa Milaor, Camarines Sur.
Kinilala ang mga nasawi na dalawang lalaki, ang driver at pasahero ng kotse, habang sugatan naman ang dalawa pang lulan nito na nasa kritikal na kondisyon.
Sa nagin panayam ng Bombo Radyo Naga kay Alexandrie Hidalgo, Operation Officer ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office-Milaor, sinabi nito na bandang alas-2:55 ng madaling araw noong August 18, 2023 nang mangyari ang insidente. Kung saan, napag-alaman na bumangga ang nasabing kotse na papunta sana sa direksyon ng San Fernando, Camarines Sur sa van na mayroon namang dalawang sakay papunta sa direksyon ng Naga City.
Dahil sa lakas ng impact, agad binawian ng buhay ang pasahero ng kotse na katabi ng driver habang ideniklara namang dead on arrival sa ospital ang driver nito.
Nagtamo naman ng malalang sugat ang dalawang sakay ng kotse. Habang maswerte naman na walang natamo na kahit anung sugat ang sakay ng Van.
Ayon aniya sa driver ng van nakita na nila ang kasalubong na kotse na zigzag na ang patakbo kung kaya nakapaghanda na nila sa impact at itinaas na ang kanilang mga paa dahilan para maiwasan na maipit sa insidente.
Ayun pa kay Hidalgo, nakainom aniya ang mga sakay ng kotse at posibleng dahil sa kalasingan o kaya antok kaya nangyari ang nasabing insidente.
Sa ngayon, paalala nalang ng opisyal sa lahat na palaging i-check ang mga gagamitin na sasakyan bago umalis at iwasan ang pagmamaneho na nakainom ng alak o kung hindi naman, kapag nakakaramdam na ng antok ay pansamantala munang tumabi at umidlip para maiwasan ang ganitong pangyayari.